Kami ang kapulungang Law and Gospel Lutheran Church na nakabase sa Novaliches, Lungsod Quezon at may mga gawain sa ibang dako gaya ng San Pedro, Laguna, Bacoor, Cavite, at Davao City. Bahagi kami ng pandaigdigang kapatiran ng mga Luterano na tinatawag na WELS o Wisconsin Evangelical Lutheran Synod. Pinili naming tawagin ang aming kapulungan na "Law and Gospel" sapagkat: Ang kautusan ng Diyos (law) at ang ebanghelyo (gospel) ang dalawang pangunahing katuruan ng Salita ng Diyos.
Ang kautusan ang “naging tagapagturo natin hanggang sa dumating si Cristo” (Galacia 3:24). Ngunit “walang taong ibibilang na matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan” (Galacia 3:11). Sa halip, ang kautusan ay nariyan upang ipakita ang ating kasalanan at ang pangangailangan natin ng isang Tagapagligtas. (Galacia 3:19)
Sa kabilang banda, ang ebanghelyo ay ang mensahe tungkol kay Jesucristo na nagkatawang-tao, nagpakasakit, namatay, at muling nabuhay upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan. Higit sa isang mensahe, ang ebanghelyo ang “kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat mananampalataya...Inihahayag nito na ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao ay nagsisimula sa pananampalataya, at nagiging ganap sa pamamagitan ng pananampalataya” (Roma 1:16-17)
Kailangang parehong ipinangangaral at itinuturo ang kautusan, na siyang nagpapaalam sa mga tao kung ano ang kanilang pangunahing suliranin, ang kasalanan at ang kaparusahang nauukol dito - ang kamatayan - at ang ebanghelyo, na siya namang nagpapaalam at naghahatid sa mga tao ng tanging lunas sa kasalanan at kamatayan - ang walang bayad na lubos na kapatawaran sa lahat ng kasalanan - na walang bayad ding ipinagkakaloob sa lahat ng nagtitiwala kay Jesucristo bilang kanilang Panginoon at Tagapagligtas.
Sa madaling sabi, ang aming pangalan ay patotoo sa aming layunin na ipangaral at ituro ang buong Salita ng Diyos, ang kautusan (law) at ang ebanghelyo (gospel).
Makipag-ugnayan ka sa amin. Bisitahin ang aming Facebook page. Malulugod kaming ikaw ay aming makilala at aming maibahagi sa iyo ang Salita ng Diyos!