Ano ang mangyayari kung ang isang tao ay mamatay?

Ang maikling sagot ay ito: kung ang isang tao ay yumao nang may pananampalataya kay Jesus, ang kanyang kaluluwa ay agad na tutungo sa langit. Sa Huling Araw, sa araw ng muling pagbabalik ni Jesus, muli niyang bubuhayin ang ating mga katawang-lupa na nahimlay upang muling makaisa ng ating mga kaluluwa; nang sa gayon, tayo ay mabubuhay nang walang hanggan sa piling ng Diyos sa kanyang kaharian sa langit. Sinabi ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman." (Juan 11:25,26) Nang ang isang nahatulang kriminal na kasama niyang nakapako sa krus ay nagpahayag ng pananampalataya sa kanya, sinabi ni Jesus, "Ngayon di'y isasama kita sa paraiso." Sa pamamagitan ng mga salitang ito ay pinagtitibay ni Jesus ang katotohanan na ang kaluluwa ng isang mananampalatayang yumao ay agad na tumutungo sa "paraiso", sa langit, sa mismong oras ng kamatayan nito. 

Dapat ba akong maghintay ng isang espesyal na mensahe mula sa diyos?

Isipin mo. Ikaw at ang kaibigan mo ay magkasamang naghahapunan. Hindi siya nakakatiyak sa estado ng kanyang kasalukuyang relasyon at tinanong ka niya kung ipagpapatuloy pa rin ba niya ito. Hindi mo alam kung ano ang sasabihin mo sa kanya. Hanggang sinabi niya, "Alam ko na. Hihingi ako sa Diyos na bigyan niya ako ng 'sign'. 'Pag may dumaan na isang pulang truck, makikipaghiwalay na ako sa 'boyfriend' ko. At may dumaan ngang pulang truck!
Ito ba ay tunay na nagmula sa Diyos? O ito ba ay nagkataon lamang? May kinalaman ba ang diyablo rito?
Tiyak na walang sinuman ang nakakaalam ng sagot. Ngunit may ilang mga bagay tayong matututunan tungkol sa Diyos batay sa Kanyang Salita, ang Biblia. Una, hindi obligasyon ng Diyos na sabihin sa mga tao ang kahit anong bagay at hindi rin ginagawa ng Diyos na magbigay ng direktang mga sagot sa mga panalangin sa pamamagitan ng mga tanda.
Ngunit hindi ba tayo pwedeng humingi ng tanda mula sa Diyos, kahit paminsan-minsan? Hindi ba kailanman nagbigay ang Diyos ng mga tanda sa mga tao?
Oo. Halimbawa: Ang Diyos ay napakita kay Abraham sa pamamagitan ng isang palayok na umuusok at maningas na sulo upang bigyan siya ng isang tanda (Genesis 15:8-17). Narito ang ilan pang mga talata na nagpapakita ng mga pagkakataong ang Diyos ay nagbigay ng mga tanda: Exodo 4:1-9; Mga Hukom 6:17, 36-40; 2 Hari 20:8-11
Sa kabilang banda, sinabi sa atin ni Jesus na hindi natin dapat na subukin ang Diyos (Mateo 4:7). Hindi natin dapat na itali ang Diyos sa pagbibigay ng isang tanda o mensahe bilang tugon sa ating mga panalangin, na kung hindi ito gagawin ng Diyos ay hindi na natin Siya pararangalan. 
Hindi rin tayo dapat na humingi ng isang tanda tungkol sa isang bagay na ipinagbabawal ng Diyos. Halimbawa: Huwag mong sabihin sa Diyos, "Panginoon, kung gusto mo pong magsama na kami ng aking 'boyfriend' kahit hindi kami kasal, bigyan po ninyo ako ng ganito o ganyang 'sign' o tanda."
Alalahanin natin ang sinabi ni Moises sa mga Israelita, "May mga bagay na sadyang inilihim ng Diyos nating si Yahweh. Ngunit ipinahayag ang kautusang ito upang sundin natin at ng ating mga anak magpakailanman." (Deuteronomio 29:29)
Tandaan ang mga sumusunod:
1. May mga bagay na sadyang inililihim ng Diyos, gaya ng sinasabi ng talata sa itaas. Maraming mga bagay ang hindi ipapaalam ng Diyos sa iyo, kahit hilingin mo pa ito.
2. Napakaraming mga bagay ang inihayag sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Biblia. Nalilito? Nahaharap sa isang napakahirap na desisyon? Basahin at pahalagahan ang Salita ng Diyos (Ang mga kabanatang 23 at 25 ng Aklat ng mga Awit ay magagandang mga kabanata na maaari mong basahin kaugnay nito.) Ang Salita ng Diyos ay nananatili magpakailanman.
3. Kung anuman ang mga bagay na inihayag ng Diyos sa atin sa Kanyang Salita sa Biblia ay mag-aakay sa atin upang ating sundin ang lahat ng sinabi ng Diyos na dapat nating gawin. Walang anumang talata sa Biblia ang mag-aakay sa ating suwayin ang Diyos.

Paano ko malalaman na mayroong diyos?

Sa pamamagitan ng pagmamasid sa kalikasan, maaaring maisip ng tao na mayroong isang "makapangyarihan" na lumikha sa mga ito. Sinasabi ng Biblia, "Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!" (Awit 19:1) Sa pamamagitan din ng tinig ng konsensiya ay maaaring maisip ng tao na mayroong isang "makapangyarihan" na siyang nagtakda ng mga panuntunan na dapat nating sundin at gawin. Sinasabi ng Biblia, "Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan." (Roma 2:15) 
Gayunman, hindi makikilala ng tao kung sino ang "makapangyarihan" na ito, kung sino ang "Diyos" na ito, sa pamamagitan ng pagmamasid sa kalikasan at pakikinig sa tinig ng konsensiya. Tanging ang Biblia lamang ang makakapagpakilala sa tao kung sino ang makapangyarihang Diyos na lumikha ng lahat ng bagay at nagtakda ng mga panuntunan na dapat nating sundin at gawin.

Sinubukan kong magbasa ng biblia, ngunit hindi ko maunawaan ang binabasa ko?

Narito ang ilang mga bagay na makakatulong sa iyo:
Una, manalangin ka sa Diyos at hingin mo ang patnubay Niya!

Pangalawa, paulit-ulit mong basahin ang teksto na iyong binabasa. Basahin mo ang ilang mga talata bago at pagkatapos ng teksto na iyong binabasa. Makakatulong ito upang maunawaan mo ang "konteksto" ng paksang tinatalakay sa partikular na mga talata na iyong binabasa.

Pangatlo, magpatulong ka sa isang kaibigan na higit na ang nalalaman sa Biblia. Dito sa ISIP ay mayroon kaming mga pastor at mga tagapagturo na handang tumulong sa iyo upang maunawaan mo ang mensahe ng Biblia. 

Nais mo bang matuto nang higit tungkol sa Biblia? Bisitahin mo ang https://isipnetwork.org.

Kung matapos mo na ang mga panimulang pansariling mga aralin, maaari kang magpatuloy sa isang live instructor-led Bible class. Dito ay mas mapapalawak mo pa ang iyong pag-aaral at ang iyong paglago sa pananampalataya sa tulong at paggabay ng isang pastor.